KAILAN MO SASABIHING “NA’Y, TAY MAHAL KO PO KAYO”

Hunyo 16, 2009

            Halos lahat tayo ay pinahahalagahan ang mga taong itinuturing nating MAGULANG…

Si NANAY at TATAY, MAMA at PAPA o sila DADDY at MOMMY sino man sa kanila ay hindi na dapat pa itanung kung MAHAL MO BA SILA dahil sigurado akong ang sagot dito ay isang diretso, malinaw at taus sa pusong OO MAHAL KO SILA!

Pero ang tanung…

Nasabi mo na ba sa kanila ito?

Ang alin? (tanung mo eka)

Nasabi mo na ba sa kanilang…

NA’Y, TAY MAHAL KO PO KAYO

MA, PA MAHAL KO PO KAYO

MOM, DAD MAHAL KO PO KAYO

Pupusta ako marami ang HINDI

Tanung ko, bakit? Nahihiya ka? Anung nakakahiya sa pagsasabi na MAHAL MO ang mga taong MINAHAL karin ng lubos pa sa iyong inaakala, na maaring hangang ngayon hindi mo pa alam ang untold stories na ginawang pagsasakripisyo ng mga taong ito sa iyo.

Ang pagnanais ng isang MAGULANG na maipabatid sa kanila ng ANAK na MAHAL din siya nito ay hindi isang KABAYARAN o PANINIGIL, manapa ang pagsasabi ng isang MAHAL KO PO KAYO ay hindi maikukumpara sa SUKLI dahil ang salitang MAHAL KO PO KAYO kung tutuusin ay isa lamang salita na kung hindi sasamahan ng damdamin ay isa lamang hangin na dadaan sa iyong tainga.

Kung meron man tayong dapat pasalamatan, parangalan o pagbuwisan ng buhay kung kinakailangan ay walang dudang ang ating mga MAGULANG ang nasa pangunahing listahan at ang masabihan nating MAHAL KO KAYO NAY, TAY, DADY, MOMMY I LOVE YOU o MA, PA GUSTO KO PONG MALAMAN NYO NA MAHAL KO KAYO ay hindi isang premyo para sa mga magulang na inililimos ng anak kundi itoy isang TUNGKULIN! Ng anak na may UTANG NA LOOB.

Pero ang tanung ko… KAILAN?

KAILAN mo IPAPADAMA, IPAPAKITA o SASABIHIN ang iyong PAGMAMAHAL SA IYONG MGA MAGULANG?

Kailan mo sila YAYAKAPIN? Kapag ba MANHID na ang kanilang katawan dahil sa KARAMDAMAN?

Kailan mo sila REREGALUHAN? Kapag ba hindi na nila MAKITA ang dala mong regalo dahil sa malabo na ang mga mata dulot ng labis na katandaan?

Kailan mo sasabihing MAHAL KO PO KAYO? Kapag ba hindi na nila MARINIG ang iyong boses dahil WALA NA SILANG BUHAY?

Tumatakbo ang oras, hindi natin alam ang mangyayari bukas, makalawa o mamaya, kayat sana wag nating ipagwalang bahala ang mga sandaling nakikita, nakakapiling at nakakausap ang ating mga MAGULANG dahil ang mga oras na silay ating kasama ay mga GINTONG SANDALI ng ating BUHAY.


NIKON OR CANON

Hunyo 15, 2009

Sa pinas marami ang nahuhumaling sa Photography at sa ganitong libangan karaniwang tanung ng mga tao, lalo na ng mga baguhan, kung anung TATAK ng KAMERA ang MAGANDA?

Sa Pilipinas dalawang TATAK ng KAMERA ang nangingibabaw at ito ay CANON at NIKON, kaya naman ang tanung ng bayan…

 sino ang dapat piliin?

Sino ang may mas magandang kuha ng litrato?

Sino mas praktikal na bilhin?

Sino mas maraming lenteng pwedeng gamitin?

Parang Alaska fans laban sa Ginebra fans, sino mananalo sa kampyonato?

KAPAMILYA o KAPUSO, Sino mas maraming manonood?

HONDA o MITSUBISHI, Sino mas matulin?

Walang katapusan ang debate dito at kadalasan nauuwi sa away at tampuhan ang ganitong diskusyon na hindi nasasagot ang katanungang

NIKON OR CANON?

Ano nga ba? Alin sa kanila ang dapat at mas MAGANDA?

Kung ako ang tatanungin ninyo ang aking sagot diyan ay isang VERY SAFE ANSWER at ito ay ang… DEPENDE

DEPENDE kung saan ka nakatira

DEPENDE kung gaano kadami pera mo

DEPENDE kung anung trip mo

DENPENDE, DEPENDE, DEPENDE….DEPENDE sa IYO!

  Sa totoo lang kasi wala naman dapat mamagitang kompitisyon sa dalawa bagaman silay may kanya-kanyang husay at kapintasan mayroon lang mga taong pilit pinagkukumpara ang direksyong KALIWA sa KANAN pareho silang DAAN o DIREKSYON at maaring mapuntahan mo ang nais mung puntahan alin man sa mga ito ang piliing tahaking direksyon (kaliwa o kanan) pero nasasaiyo parin kung ano ang GUSTO MO

GUSTO MO…

Inuulit ko yung GUSTO MO

Dito kasi nagkakaroon ng pagtatalo at pagkalito sa isyung NIKON OR CANON, akala ng iba yung gusto ng nakakarami ay ang TAMANG PILIIN lalo na kung ang paguusapan ay ang pagbili ng kasangkapan pero para sa aking sariling karanasan ang pagkunsulta sa PULSO NG MASA o ng NAKAKARAMI ay hindi pangunahing dapat isaalang-alang upang makapili kung ano ang maganda o dapat MONG piliin.

Di ba nga may kasabihang

Everybody is unique

Beauty is in the eye of the beholder

 

Hindi purke maganda sa iyo ay maaring maganda narin sa iba o di kaya pangit sa iyo ay pangit din sa iba DEPENDE yan sa tumitingin at ipilit mo man sa iyong kapwa na maganda ang iyong napili maaring itoy sumangayon nalang ngunit sa kanyang puso ay isang madiin na pagtangi.

Tulad nga ng naibahagi ko noon sa isang forum, kung ako tatanungin pagdating sa kulay at sharpness ng litrato masasabi ko na mas pipiliin ko ang Nikon samantalang kung sa availability ng accessories or practicality at nakatira ako sa pinas ay mahusay na CANON ang piliin mo.

Kung ang target mo ay budget at nasa pinas ka CANON kunin mo pero kung sharpness at tingkad ng kulay, ganda ng kuha para sa akin maganda NIKON.

Alamin mo kung ano mas importante sa iyo at kung baguhan ka palang sa photography at hindi pa nalalaman ang mga terminong Aparture, Low lights o ISO kahit ano sa TATAK na iyan ay walang problema na mabili mo.

Sasabihin ng iba kaya sila namumutakti ng tanung sa mga forum eh dahil gusto nilang makasigurado sa bibilhin at makaiwas sa GASTOS. Para lang sa akin bilang isa ring hobbyist ng ibat-ibang mga kinagigiliwan ng mga tao sa Pinas ang Hobby ay pinagandang termino ng BISYO or LEISURE kapag may Hobby or Enthusiast ka in other words may BISYO ka at ang isang BISYO ay isang GASTOS! Kung ayaw natin ng GASTOS wag tayong mag BISYO parte ng pagiging enthusiast, hobbyist or kahit artist ang gumastos at makapili ng hindi tamang desisyon dahil mula dito natutuklasan natin kung ano ba talaga ang ating GUSTO. Habang dumadami ang iyong natutuklasan mas nalalaman mo kung ano ang iyong totoong GUSTO at ito ay isang importanteng bagay na iyong malaman.

THERE IS NO SHORTCUT, SHORTCUT IS FOR PUSSIES!

Kung balak mong shu-morkut at basta nalang kunin ang opinyon ng mga maestro sa isang larangan baka maligaw ka BOY!

Iba-iba tayo ng gusto tulad nga ng sinabi ng kasabihan, iba-iba tayo ng paraan o paano tignan ang isang bagay. Maaring ang gusto ng isang maestro ay atin ding magustuhan pero paano kung hindi natin shor-katin at tahakin ang daan na tinahak ng mga maestro? maaring may mas MAGUSTUHAN tayo higit pa sa GUSTO ng isang kinikilala nating MAESTRO

Ngunit inuulit ko hindi purke maganda sa iyo ay maganda sa lahat o kung pangit sa iyo ay pangit narin sa lahat, pagdating sa ART kung ako tatanungin LAHAT MAGANDA at WALANG KUMPITISYON.

Ang tanung

ANO ANG HINAHANAP MO?

ANO ANG STANDARDS MO?

ANO ANG GUSTO MO?

MO

MO

Hindi NILA


PAANO KUNG WALA KA NG GANA SA KURSO MONG TINAPOS?

Marso 18, 2009

 

Hindi malayong maraming tao ang nakakaramdam na hindi na sila kumportable sa piniling KURSO sa KOLEHIYO. Marami akong kilala at nararamdaman kung mas marami pa sa inaakala ko ang hindi kumportable at nag-sisisi ngayon sa tinapos nilang KURSO.

 

Syempre normal na itago ng isang tao ang kanyang pagsisisi dahil nakakapanghinayang naman talaga ang pera, pagod at higit sa lahat ang panahong ginugol sa pag-aaral, hindi lang ng mismong estudyante kundi pati narin ng mga magulang.

 

Pero paano na nga kung natuklasan mo na hindi pala talaga ito ang gusto mo, ang tanung mo sa iyong sarili ANO NA GAGAWIN KO?

 

Una sa lahat nais kung ipaalam sa iyo na…

 

WALANG PROBLEMA DYAN!

 

Kool ka lang!

 

PAGKA-UMAY sa KURSONG TINAPOS

 

Normal na nauumay ang isang tao sa isang gawain at wala akong nakikitang masama dito.

 

Kung halimabawa lang tatalikuran mo na ang pagiging doctor mo at gusto mo maging computer programmer, hindi ibig sabihin nito na masasayang na ang panahon mong ginugol noon sa pagiging doctor, sabi nga nila ang kaalaman na iyong natutuhan at isinabuhay ay habang buhay mo itong dadalhin, marahil hindi natin namamalayan na ang ating desisyon ay nakabase parin sa ating nakaraang propesyon. Hindi ibig sabihin na naging grade 2 ka eh nawalang say-say na ang napag-aralan mo sa grade 1 hindi ganito ito normal sa buhay ng tao ang GROWTH o ang pag-unlad at kung ito ay ating pipigilan ay naniniwala ako na makakasama sa atin in some ways.

 

 

PAG-KABAGOT!

 

Maaring naiinip ka na sa iyong trabaho ngayon at maaring narating mo na ang tuk-tok ng iyong karir na tinatrabaho at hinihingin na ng iyong sarili na magkaroon naman ng bago sa buhay mo. Maaring bagong tao, gawain, misyon o hindi ka na masaya sa kinalulugaran mo. Kung magpakita ang mga ganitong sinyales oras na para ikaw ay humanap ng bagong tatahaking landas, ngunit marami ang mga taong tumatangi sa ganitong uri ng pagtawag sa kanila ng pagbabago, marami sa atin ang nagtatakip tenga sa udyok ng kanilang konsensyang nagsasabi na kailangan nila ng bagong buhay! Bagong landas at pakikibaka marahil ang tanung ng marami ay

 

BAKIT?

 

Dahil natatakot silang bumalik ulit sa simula, natatakot na maging estudyante muli at ang ganitong kaugalian ay hindi magandang gawain dahil itoy naghahatid sa atin patungo sa saradong kaisipan. Alam ko na kung ang paguusapan ay hanap buhay mahirap isugal ito lalo na kung marami ang umaasa sa iyong kinikita pero nainiwala ako sa kasabihang

 

KUNG GUSTO MAY PARAAN, KUNG AYAW MADAMING DAHILAN

 

Marami na ang nakagawa at kung sila ay nagawa ang pagbabago ayun sa kanilang gusto bakit tayo hindi? Kaya din natin kung papahintulutan ang ating sarili.

 

Kahit na anong panahon mo mapagdesisyunan na dapat ka ng lumipat ng karera sa buhay ay walang masamang itoy sundin kahit pa second year college ka palang o sampung taon ka na sa profession bakit natin hindi pagbigyan an gating sarili dahil minsan lamang tayo mabuhay.

 

Isa akong BSBA Computer management graduate at masaya ako sa kurso kung tinapos dahil ang mga kaalaman at kasanayan kung natutunan sa kursong ito ay aking pinapakinabangan mapa loob o labas ng opisina ang pinili kung kurso ay ayon sa aking hilig at mahal gawin, ngayon napapapunta ang hilig ko sa photography at naiisipan ko minsan na kumuha ng kurso sa MassCOM at hindi ito malayung mangyari kapag nagawa ko na ang mga plano ko.

 

Ang pagpapalit ng kurso ay hindi katulad ng pagpapalit ng sex-organ walang masama kung accounting ka at ngayon nag-teteacher ka ang importante ginagawa mo ang gusto mo! Gusto mo! Inuulit ko yung gusto mo at hindi yung gusto ng madla o ng sino mang tao.

 

Kaya ang sagot ko sa tanung na…

 

PAANO KUNG WALA KA NG GANA SA KURSO MONG TINAPOS?

 

Ay oras na para mag-isip at magsalik-sik para sa bago at kapana-panabik na kurso o gawain!

 

 

Mahal ko Kayo!

Rakito’s Mill


BABALA SA MGA GRA-GRADUATE NG KOLEHIYO

Enero 24, 2009

 

Una sa lahat gusto kung batiin ng CONGRATULATIONS!!! Ang mga mag-aaral nating magtatapos sa KOLEHIYO, regardless kung anung edad ka nakatapos o kung ilang taon mo binu-noh ang kurso mo, kahit na dalawang taon lang iyan pero ginawa mong apat na taon eh kongratz parin sa iyo.

 

Tuwing matatapos ang New Years celebration ang susunod na inaabangang okasyon sa Pilipinas ay yung Graduation, maraming mga nasasabik na tao lalo na mga kabataan dahil nga sa wakas sa haba-haba ng panahon ay makakapagtapos din.

 

Alam ko ang pakiramadam ng mga estudyanteng nasa sitwasyon na hinihintay ang graduation-day nila, full of excitement and expectations.

 

Bilang isang mag-aaral rin noon, nais ko na ibahagi sa inyo ang aking naging karanasan noong nagsisimula pa lamang akong humarap sa buhay, sa labas ng eskwelahan.

 

Tanung naming mga estudyante sa mga ka-ALMAMATER naming na nakapagtapos at nagtratrabaho ay ganito

 

Kuya kamusta buhay empleyado?

 

Saan po kayo nagtratrabaho?

 

Mahirap po ba mag-apply?

 

Marami akong mga sagot na natangap, at minsan pa nga ay nagtatalo-talo ang mga sagot kasi yung sagot ng isa ay iba sa sagot nung kabila pero ngayon kung may magtatanung sa akin kung ano ang masasabi ko sa buhay sa labas ng eskwelahan bilang isang graduate student ay magbibigay ako ng tatlong babala.

 

Unang babala: MABIBIGO KA NG MARAMING BESES SA PAGHAHANAP NG TRABAHO.

 

Narinig mo na ito sa radio, tv at maging sa kwento ng mga ka-almamater mo at ako man ay totoong nakaranas ng KABIGUAN sa paghahanap ng trabaho. Mabibigo ka ng MARAMING BESES

 

hindi lang dalawa

 

hindi lang apat

 

kundi

 

MARAMING BESES!!!

 

Hindi ko nais na sirain ang iyong kalooban at pag-asa, ang aking intension ay ipaalam sa iyo ng maaga ang ganitong bagay ay posibleng mangyari sa iyo. May mga taong sinuswerte sa pagkuha ng trabaho pero mas marami ang hindi, sa totoo lang nung panahon ko wala akong narining na ONE TIME APPLICANT and voila he is satisfied or di kaya ONE TIME APPLICANT ay accepted na agad.

 

Ang dapat tandaan sa bawat REJECTION, FAILURE AT SEMPLANG SA EXAM O INTERVIEW ay…

 

HINDI IBIG-SABIHIN NITO NA BOBO KANG TALAGA O WALANG KWENTA!

 

Madalas kasing masiraan kaagad ang maraming aplikante kapag bumabagsak sila, akala nila kapag lumagpak o na-reject sila sa isang interview ay isa na silang WALANG SILBI o WALANG KWENTA, BOBO, TANGA

 

DYAN KA NAGKAKAMALI!

 

Gusto kung malaman mo na ang pag-ha-HIRE sa empleyado ay walang pinag-kaiba sa pag-HALAL sa isang politiko.

 

Alam natin na sa politika mayroong, PALAKASAN, DAYAAN at KORUPSYON masakati mang isipin pero totoong maging sa pag-ha-HIRE sa isang empleyado ay nangyayari rin ang mga ito.

 

Kung sa gobyerno nagtataka tayo kung bakit yung napapabalitang corrupt ay siya pa ang nasa posisyon, walang pinagkaiba sa OPISINA nakakapagtaka bakit kung sino pa ang walang sapat na kaalaman at karanasan ay siya pa ang nasa mataas na posisyon.

 

Kaya kung lumagpak ka sa isang pag-subok at hindi mo maintindihan kung bakit? Kahit sa kabila ng kaalaman mo na maganda naman ang iyong ipinakita, isipin mo nalang na baka NA-POLITIKA ka.

 

Hindi ito isang SOUR GRAPING kundi pag-protekta lamang sa iyong isip laban sa anumang negatibong kaisipan, dahil kapag puro negatibong kaisipan ang laman ng iyong utak, malaki ang posibilidad na negatibo din ang mga kakasangkutan mong sitwasyon at ito ay aking tunay na pinaniniwalaan.

 

 

Pangalawang babala: HUMANDA KA SA IYONG MADIDISKUBRE

 

Maraming mga katulad kung mag-aaral na ayaw humarap sa katotohanan, na kung minsan sa gitna ng kanilang pamumuhay, kanilang malalaman ang katotohanang ang kursong kanilang pinaghirapan sa mahabang panahon ay hindi pala ang kursong kanilang tunay na gusto.

 

May mga nagpumilit mahalin at may iba namang naging matapang at matatag na sundin ang kanilang tunay na kagustuhan.

 

Kung ako ang tatanungin kung ano ang tama ay masasabi ko na pareho, para sa akin kung naging bukas ka at hinarap ang iyong nadiskubre, ano man ang sitwasyon nito ay ayus na sa akin.

 

Pangatlong babala: WALANG KATAPUSAN ANG PAG-AARAL

 

Natatandaan ko noon ang sinabi ng Paring nagbigay ng speech sa aming graduation-day ang sabi niya sa wikang ingles

 

Graduation is not the end of education, because education is lifetime undertaking…

 

            Madalas na maling isipan ng mga estudyante kapag nakapagtapus na ay tapus narin ang pag-aaral, ito ay MALI. Kahit maging sino ka man at kahit ano man ang iyong marating hindi natin dapat putulin ang responsibilidad na mag-aral dahil kapag isinarado natin ang ating kaisipan sa pag-lago ng nalalaman itoy isang paraan ng pagpatay sa sarili.

 

Sabi nga

 

the essence of life is to grow!

 

At ang growth ay titigil lamang kapag inabutan ng kamatayan.

 

Ang GRADUATION ay isa lamang sinyales na sasabak ka na sa digmaan at tulad ng isang sundalo hindi ito nagkakasya sa kaalamang kanyang natutunan sa kampo kundi kanyang pinagsasama ang mga natutuhan sa labas at loob ng eskwelahan para mas lalong maging epektibo ang kanyang mga taktika.

 

Sa pagharap mo sa buhay, sa labas ng eskwelahan mas marami kang masasaksihan, mabibigla ka, masisindak pero ang pinaka kapakinabangan mo eh may mapupulot kang aral, aral na magagamit mo para sa mga susunod pang mga adventure sa buhay.

 

Lilinawin ko MASAYA ang buhay kapag nakatapos ka ng kolehiyo, oo mahirap sa una, eh ano ba naman ang naging madali sa una? Lahat ng itinuturing nating matagumpay sa buhay ay dumanas ng maraming hirap sa pasimula pero darating ang puntong ang mga pinaghirapan ay siyang aani ng ginhawa.

 

Muli gusto kung batiin ang mga mag-aaral na magtatapos ngayon, dahil sa wakas! Tapus na rin!

 

CONGRATULATIONS sa inyong LAHAT!!!


TUBIG VS. SOFTDRINKS

Enero 20, 2009

 

Nitong nakaraang dalawang linggo lumabas kami ng mga kaibigan ko sa opisina mga bandang pananghaliaan upang maiba naman ang aming pagkain at lugar, oras para makapag-relax kahit sa maikling panahon man lang. Dahil sa pananabik ko sa pagkain ay marami kaming inorder nariyan ang manok, baka at gulay tapos ay tigi-tigisa kami ng softdrinks in can pero ako ay humirit pa ng isa pang softdrinks dahil sa panukat kung magkukulang ito para sa akin. Pinigilan ako ng isa kung kaibigan na si Ed at sabi niya na masama daw sa katawan ng tao ang softdrinks at mas mainam na tubig ang inumin… sinunod ko ang payo niya pero sa loob-loob ko paanong naging masama ang softdrinks?

 

Oo narinig ko ang kwentuhan na pwede raw gamiting panlinis sa kubeta ang softdrinks

 

Oo narinig ko na may namatay na bata noong uminom ng softdrinks na may kasabay na candy.

 

Pero naisip kaya nila na…

 

Ang tubig ginagamit din pang-linis sa kubeta kahit pa nga sa puwet din.

 

Naisipi kaya nila na marami ng taong namatay din sa tubig dahil hindi makahinga (nalunod)

 

Hindi ko intensyong siraiin o guluhin ang isipan ng mga tao  pero ang nais ko lang ipunto ang issue tungkol sa softdrinks, sigarilyo at sex ay namimis-interpret ng mga tao.

 

Wala itong pinagkaiba sa PURO TULOG VS. WALANG TULOG

 

 

 

Hindi issue ditto yung mismong bagay soft-drinks, sigarilyo or porn movies ang issue ditto ay TAYO…

 

Oo tama tayo…

 

Kung papaano natin titimbangin at babalansihin ang pag-gamit sa mga elementong ito.

 

Sabi nga sa mga alak

 

“DRINK MODERATELY”

 

Balansihin natin

 

Hindi sila ang issue kundi tayo.


ANO ANG PROBLEMA NG TAONG PAPANSIN?

Enero 13, 2009

 

Nakikita natin sila sa eskwelahan, opisina, kanto at Dios-for-santo kahit sa internet naririyan sila. Haytek na nga ang mga PAPANSIN ngayon yung iba mayroong sariling blogsite o di kaya eh account sa YOUTUBE at pinaglalalagay ang mga bagay na kung anu-ano basta ang importante eh mabigyan sila ng atensyon ng madla.

 

May dalawang uri ng taong papansin BULGAR at PASIMPLE

 

Malakas ang paniniwala ko lahat tayo dumaan sa ganitong problema…

 

Kung papaano MAPANSIN…

 

Mapansin ng crush

Mapansin ng magulang

Mapansin ng kaklase

Mapansin ng buong bario

O di kaya mapansin ng buong mundo

 

Naging taong papansin ako noon at kung tatanungin ninyo kung anung uring papansin ay pareho, BULGARAN at PASIMPLE ako magpapansin noon kaya masasabi ko na may kaalaman ako kung ano ang problema ng mga ganitong uri ng tao at tatalakayin ko nga sa blog na ito kung ano ang PROBLEMA ng taong PAPANSIN at ano ang mga posibilidad na kagamutan.

 

ANO ANG PROBLEMA NG MGA TAONG PAPANSIN?

 

Ang pangunahing publema ng mga taong ito ay…

 

WALANG MAGAWA SA BUHAY

 

Oo totoo walang halong biro, walang magawa ang mga taong ito at dahil doon unti-unti nilang nararamdaman na nagiging walang say-say ang kanilang panahon kayat kinakailangan nilang humanap ng pagkakaabalahan at madalas na pumupukaw sa kanilang attensyon ay ang mga bagay na madaling makuhanan ng ATTENSYON dahil ang ATTENSYON ay isang uri ng pagbibigay KAHALAGAHAN sa isang tao o sa ginawa nito.

 

Kapag naituring na mahalaga ang iyong ginawa, gampanin o ang mismong iyong sarili ay hindi isang pangangailangan lamang ng mga taong PAPANSIN kundi itoy pangangailangan ng lahat ng tao, gampanin nating maging mahalaga ang ating buhay habang naririto tayo sa mundong ibabaw. Kaya nga may mga bumbero, pulis, doctor atbp lahat sila ay nakakadama ng kahalagahan mula sa ibang tao o mismong sa kanilang sarili dahil alam nila ang kanilang ginagawa ay mayroong direksyon, malinaw na layunin at may kahalagahan sa kanila o para sa ibang tao.

 

Una sa lahat gusto kung linawin ang mga taong papansin ay hindi masasamang tao ngunit sila ay nangagnailangan ng gabay kung papaano mapabuti ang kanilang pananaw kung papaano maisaayos ang pag-gamit ng kanilang talento upang makamtan ang tinatawag na pagiging mahalaga sa buhay hindi lamang sa pananaw ng ibang tao kundi mas importante sa kanilang pansariling pananaw. Kung mapapansin ninyo ang mga taong papansin ay may mga talento sa humor, art o di kaya sa pag-gawa ng istorya atbp ang kaso yung iba nagagamit yung talento sa mga bagay na imbis makatulong ay nakakasira at dito nagkakaroon ng publema. Lalo na sa mga taong BULGARAN MAGPAPANSIN, base sa aking karanasan noon, kapag nasa BULGARAN mode ako, dito ako madalas nakaka-akit ng ibat-ibang klaseng away at gulo.

 

 

Paano solusyunan o gamutin ang mga taong PAPANSIN?

 

Pwede natin silang gulpihin at pagbabaliin ang mga buto pero babalik at babalik parin ang kanilang pagiging PAPANSIN dahil atin lamang tinigpas ang bunga at hindi ang ugat.

 

Dalawang paraan ang nalalaman ko upang masolusyunan ang mga ganitong tao una sa lahat ay kausapin sila…

 

Tanungin at linawin kung bakit nila ginagawa ang bagay na ginagawa nila ngayon dahil naniniwala ako na hindi malinaw sa mga ganitong tao kung ano ang kanilang ginagawa.

 

Kung hindi man tumalab ang pagkausap sa mga taong ito ay atin ng gawin ang ULTIMATUM na paraan at ito ay huwag nating ibigay sa kanila ang kanilang nais…

 

Huwag natin ibagay ang ating PANSIN sa mga taong ito…

 

Ito ang pinaka-masakit na magagawa natin sa kanila, wala ng iba pa…

 

Parang hindi kaaya-ayang pakingan kasi sa loob-loob mo gusto mo silang sunugin at dukutin ang kanilang laman loob dahil sa matinding pag-kaasar pero kapag ginawa mo ito ay sila parin ang mag-wawagi dahil iyo parin silang PINANSIN at yun ang isa sa paraan kung papaano solusyunan o patigilin ang mga taong ito, huwag ibigay ang kanilang gusto…

 

 ang ating PANSIN