MY ONE AND ONLY YAYO

The Gentleman as it's best

My One and Only Yayo Lolo Ime

 

Sino sa inyo ang may sariling
Yayo o Yaya noong bata pa siya?
Na hangang sa nagbinata
na kayo eh parang bine-baby parin kayo?

Isa ako sa mga masasabi kung
maswerteng taong nakaranas na
magkaroon ng Yayo. As in yung
taong nakatoka sa iyo para bantayan
ka, pakaiinin ka, patulugin ka
at sundin lahat ng iutos mo.

Siguro nga talagang mayaman
ang Lola ko sa FAther side noon
dahil ang kwento sa akin ay
pito ang katulong namin sa bahay
at tulad nga nung naisulat
ko sa nakaraan kung artikuklo
ay marami silang negosyo
at ang iba doon ay di ko
na nga gaano inabutan pa.

Ang Yayo ko ay may tatoo sa may
bandang likuran/looban ng
kanyang braso at ang nakatato
dito ay mga letrang E at O. Ang pangalan
kasi niya ay Emilio Osorio
pero madalas namin siyang
tawaging Ime, Lolo Ime o di kaya
ay Meh.

Si Lolo Ime ay isang typical
na tao noon na no read/ no write
marunong siyang sumulat ng mga
letra pero hindi nya ito kayang
basahin. Bilib ako sa kanya
dahil paano nagagawa ng isang
taong makapag-commutte ng bus at jeep
na hindi marunong bumasa? Ang
theory ko ay madalas niyang
ginagamit ang kanyang Photgraphic
Memory… tinatandaan niya ang
mga pagkasunod-sunod ng letra kahit
di niya alam paano basahin, halimbawa
nalang nung DIVISORIA ito kasi
sinasakyan namin na biyaheng ng Bus
kapag uuwi kami ng Solis Abadsantos
at yung biyaheng MALOLOS naman kapag
ihahatid niya ulit ako sa mga Lola
ko sa Mother Side.

Cowboy itong si Lolo Ime, wala itong
arte sa katawan, ang madalas niyang
attire sa araw-araw ay maong na
pantalon at tsinelas, yun lang!
Madalas siyang walang pantaas.
(Pwera nalang kapag magpapa-picture)

Ang madalas niyang gawain sa bahay
namin ay mag-igib noon ng tubig mula
sa labasan paakyat sa kasilyas
namin sa itaas ng second floor
at bantayan ang bahay
saka syempre bantayan kaming
magkakapatid, siguruhing nakakain
kami sa tamang oras at makatulog
sa hapon.

Ang kwento sa akin ng mga Tita ko
noon ay gustung-gusto ko daw ang
amoy ni Lolo Ime na medyo amoy putok
kasi nga amoy putok dahil
ikaw ba naman ang mag-igib maghapon
at nasisikatan ng araw ay ano
pa ba ang aasahan mo?

Pero ganun pa man ay siguro nga
trip ko yung amoy ni Lolo Ime noon
kasi kapag naamoy ko siya ay para
bang nararamdaman ko
na naririyan na yung taong
mag-aasikaso sa akin, magtatangol
at ginagawa lahat ng anumang iutos ko.

Syempre nung nagbinata na ako
eh hindi na ako natutuwa sa amoy
na iyon pero kapag alam mo kung
sino yung taong nangangamoy ay
mag-iiba ang responde mo sa sitwasyon.

Malakas ang nostalgia ko sa lugaw
kasi ito madalas niyang ipakain
sa akin kapag walang luto sa bahay.
Ang lagi nitong tanung sa akin ay

“Kumain ka na ba?”
“Ano gusto mo kainin?”

Laging ganyan ang tanung nito
sa akin, hangang kamalaunan ay
nababadtrip na ako sa kanya
at nasisigawan ko pa kung minsan.

Ngayon ako naniniwala na
SUPER SPOILED nga siguro ako
noong bata. Sabi nga ng Lola
ko sa Mother Side ay yung
sobrang kulit ng anak ko ngayon
ay wala pa raw ito sa katiting
ng kakulitan ko noong araw.

Yung mga kakulitan ko noon
at mga kapilyuhan ay halos
lahat si Lolo Ime ata ang sumalo.

Si Lolo Ime ang kalaro ko noong
bata pa ako, ang mga trip kung
laro ay wrestling, espadahan,
suntukan lahat yun ginagawa
ko kay lolo Ime at tuwing tinatamaan
siya ng mga suntok, sipa at palo
ko ay tumatawa nalang siya pero
malamang nasasaktan narin ito
at dinadaan nalang nga sa ngiti.

Kaya nga bihira lang akong magkaroon
ng kalaro nung bata ako dahil sino
bang tao ang papayag na sipain,
suntukin at paluin?
Wala! Si Lolo Ime lang ang nagtiis
makipaglaro sa akin ng ganun!

Aaminin ko na sobrang dumidepende
ako kay Lolo Ime halos lahat ata sa
kanya ko inaasa, bukang bibig ko lagi
noon ay “Lolo Ime, Lolo Ime”

Pero syempre naman kamalaunan ay
natutunan ko ng maging “independent”
lalo na nung nagbinata ako pero di mo
pa rin maiaalis na dumipende parin sa
kanya kahit papaano lalo na at
nakasanayan ko na ang ganoon.

Natatandaan ko na kahit binata na
ako ay natatakot parin ako sa multo
lalo na sa bahay namin doon sa tondo
at para mawala ang aking takot
ay tinatawag ko pa si Lolo Ime
noon para samahan akong
matulog sa kwarto, kahit medyo amoy
araw siya ay ayos lang sa akin, kahit
higaan niya yung mga unan ko ay okay
lang tutal si Lolo Ime naman ito, si
Lolo Ime na nagtiyagang magpalaki
at mag-alaga sa akin. Metikuloso ako
sa amoy pero pagdating keh Lolo Ime
eh inaalis ko ang mga standards na ito.

Hindi naman laging cowboy ang peg
ni Lolo Ime kasi tuwing may lakad
kami sa Church ay talaga namang
kung manamit ito at mag-ayos ng sarili
ay parang nakakita ka ng artistang nabuhay noong 60’s yung mga panahunan
ba ni Chikito… saka ang amoy niya eh talagang tatlong dipa na ang layo mo eh amoy na amoy mo pa rin yung pabango.

Magiliw na tao si Lolo Ime, puno ng
jokes at humor at kung gusto mo rin
ng mga seryosong usapan ay sasakyan
karin niya doon lalo na kung sa kwentuhan
ninyo eh may kaharap kayong Tanduay Rhum
eh talagang kahit ano pang usapan yan
ay sasabayan ka niya at ang tanung
eh hangang saan mo siya kayang ibyahe?

Mahilig si Lolo Ime sa mga pelikula
na Aksyon kaya siguro sa kanya ako namulat
at siya rin ang nagpakilala sa akin kung sino
si FPJ or Fernando Poe Jr. Black and White
pa TV namin noong mga late 80’s at
ang mga pelikula ay tsambahaan kung anung channel
palabas ang pelikula ng mga paborito mong aktor.
Syempre mahilig rin si Lolo Ime sa magagandang
babae pero hindi na siya nag-asawa at wala rin
siyang anak. Para bang sa pamilya nalang
namin niya ibinuhos ang kanyang panahon.
Wala siya gaano naikwe-kwento tungkol
sa mga kamag-anak niya, minsan lang may
mga dumadalaw sa kanya pero hindi na
niya sinasabi kung sino sila at kung
ano ang dahilan bakit sila dumalaw.

Kaya kung itutuos ay para ko na siyang
Tatay at Nanay siya ang madalas
kung kasama at madalas ding kumakarga
sa akin noong bata pa ako. Kahit sa
pagka-binata at kasama ko na ang aking
mga magulang ay may mga pagkakataon
parin na siya ang naghahanda ng aking
mga kakainin at noong nakatapos na ako
ng kolehiyo at nagkaroon ng kotse eh
siya ang madalas na nagbubukas ng gate
kapag akoy dumadating ng bahay.

Malapit nanaman mag-Hulyo, kung hindi
ako nagkakamali mga ganitong buwan
ang kanyang kamatayan. Ang kinamatay
niya ay sakit sa bato kung tama ang
aking pagkakatanda, sakit na dapat
ay maagapan pa kung sakaling nalaman
nung una palang. Pero itinatago ni Lolo
Ime kapag may mga nararamdaman siyang
masakit sa kanya kahit nga sugat
eh nagagawa pa niyang itangi kahit kita
na namin ito. Ang naiisip ko ay siguro
akala niya ay maliit na bagay lang yung
sakit niya kaya itoy kanyang tiniis
at noong lumubha na ito at dinala namin
siya sa ospital ay sinabi nalang sa
amin ng Doktor na wala na raw pag-asa.

Natatandaan ko noon may job interview
pa ako sa Globe pero hindi ko na ito
pinuntahan dahil lubha akong nag-aalala
kay Lolo Ime. Nung nagtungo ako
sa ospital ay doon sinabi sa akin ni
Mama ang sinabi ng Doktor sa kaniya.

Pinuntahan ko si Lolo Ime sa
kanyang kwarto na kung
saan katabi niya ang mga aparatong
para bagang ito ang tumutulong sa kanya
para makahinga at pilit kung tinatangi
sa aking isip ang sinabi ng Doktor na
wala na raw pag-asa at anytime ay maari
na siyang mamaalam…

Sa pagkakataon na iyon ay aking ibinulong
sa kanya ang mga salitang bihira o
siguro di ko pa nasasabi at ito ay
“Lolo Ime, Salamat sa lahat ng kabutihan
mo Mahal kita tandaan mo iyan”
Mga ilang minuto ay biglang nanginig ang kanyang
katawan, parang gusto niyang dumilat pero
ang nagawa nalang niya ay isang malalim na pag-hinga at mula doon ay parang tumigil na ang lahat…..

Lumapit ang mga nurse sa amin at parang sinasabing wala na siya.
Ako ang nagtalukbong ng kumot
kay Lolo Ime at sa pagkakataon na iyon gusto ko
sumigaw at umiyak pero parang hindi ko magawa
dahil parang na-paralyse ang puso at utak ko parang sa sobrang sakit ay hindi
ko maintindihan kung
mawawala ako sa aking sarili.

Tumulong ako sa pag-aasikaso sa pag-aasyos
nung burol at libing ni Lolo Ime. Kasama ko
si Mama pumili nung damit at sapatos na isusuot
niya at ako ang umasikaso nung kabaong na paglalagyan ng kanyang mga labi.

Wala kaming gaanong pera noon
at bagsak ang mga negosyo namin
pero ganun pa man pinili ko parin
sa pagkakataon na iyon ang pinaka
primera klaseng kabaong na kakayanin
ng aming budget para sa taong naging
Tatay at Nanay ko narin.

Nag-gui-guilty ako dahil bago man lang siya
pumanaw ay di man lang niya inabutan na naroroon
na ako sa estadong may trabaho at kumikita ng pera…

Para man lang sana kahit papaano ay maipadama
ko sa kanya ang bunga ng kanyang mga ginawang
kabutihan sa amin bagaman pinapasweldo siya
ay wala akong nalalamang Yayong katulad niya
o marahil wala ng tutulad sa kanya para
sa akin…

Kung hindi ako nagkakamali ay mag-11 years
na ang death anniversay ni Lolo Ime
ngayong year 2015.

Namaalam siya noong 2004 katatapos ko lang halos sa
pagko-Kolehiyo at kasag-sagan na naghahanap
ako ng trabaho. Ngayon ay kahit papaano ay
may matino na akong trabaho pero wala na nga
si Lolo Ime. Hindi ko alam kung papaano ko siya
papasalamatan, minsan gusto ko alamin kung sino
ba mga kamag-anak niya pero bago pa siya
mamaalam ay wala na kaming kontak, kaya
hindi namin alam kung sino ang tatawangan
nung siya ay sumakabilang buhay na, actually
parang matapos ang isang linggo na siya ay nailibing
ay doon may dumalaw sa amin na nagpapakilalang
mga kamag-anak niya.

Hindi ko alam kung papaano ko susuklian ang
ginawang serbisyo at ibinigay na pagmamahal
sa amin ni Lolo Ime. Wala naman akong maraming
pera para magbigay ng mga sari-saring benepisyo
sa kanyang mga kamag-anak kung ano meroon
ako ngayon ay sapat lang sa pangangailangan
ng sarili kung Pamilya kung kaya naisipan ko
na isulat ang artikulong ito at ibahagi
ang mga ala-ala niya sa inyo.

Alam ko na deep inside noong nabubuhay pa si
Lolo Ime ay gusto niyang maging inspirasyon
sa ibang tao tulad ng Idol niyang si FPJ.

Sana ang maikling artikulong ito ay maging inspirasyon
nga sa inyo… Sa inyong mga kasambahay at mga
pinagsisilbihan ng mga kasambay.

Para sa mga kasambahay naniniwala ako na ang inyong
mga pagsisilbi ay hindi lang basta doon lang humahanga
kundi ito ay tumatatak sa puso ng inyong mga Amo at
naniniwala ako na ang mga ito ay hindi nababalewala.

Para sa mga pinagsisilbihan ay sana hindi pa huli ang
lahat bago ninyo ipadama sa inyong mga kasambahay
ang pasasalamat at kung gaano kalaking bagay ang
naitulong nila sa inyo.

Alam ko marami pa akong gusto sabihin tungkol
kay Lolo Ime, maraming mga ala-ala, aral at damdamin
akong gusto ilabas pero sa pagkakataong ito ay
gusto ko lang ulit sabihin na kung nasaan siya
man ngayon ay sana masaya parin siya at lagi niyang
tandaan ang sinabi ko sa huling sandali ng kanyang buhay
na

“Lolo Ime maraming salamat sa mga kabutihan mo
at Mahal kita Tandaan mo iyan”
Nagmamahal,
Rocky

 

Lolo Ime's boy forever

If my life is Lord of the Rings well I am mister Frodo and beside me is my Sammy. Year 2004 around March I guess after my College Graduation

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: